Negosyante at bodyguard na dawit sa road rage, binasahan ng sakdal

Kapwa nag-plea ng “not guilty” sina Arnold Padilla at body guard nitong si Alfie Ortiz sa sala ni Presiding Judge Josefino Subia, ng Makati City RTC, Branch 138 dahil sa kasong Illegal Possession of Firearms at Explosive.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Binasahan na kahapon ng sakdal ang negosyanteng nanampal ng dalawang traffic enforcer at ang body guard nito sa Makati City Regional Trial Court.

Kapwa nag-plea ng “not  guilty” sina Arnold Padilla at body guard nitong si Alfie Ortiz sa sala ni Presiding Judge Josefino Subia, ng Makati City RTC, Branch 138 dahil sa kasong Illegal Possession of Firearms  at Explosive.

Alas-8:30 ng umaga nang iika-ikang dumating si Padil-la kasama ang body guard nitong si Ortiz sa korte kung saan bantay sarado ang mga ito ng police security escort ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Matatandaan, na si Padilla at ang body guard nitong si Ortiz ay nadakip ng operatiba ng NCRPO matapos na makuhanan ng mga baril at granada noong Agosto 24 ng taong kasalukuyan sa bahay nito sa Magallanes Village, Makati City.

Nag-ugat ang pagdakip kay Padilla matapos nitong pagsasampalin, duruan at pagmumurahin ang dalawang traffic enforcer ng Brgy. Magallanes Village noong Agosto 13, na naging viral ang video nito sa social media

Sa Oktubre 17, 2018, alas-8:30 ng umaga muling itinakda ng korte ang pagdinig kay Padilla.

Show comments