Publiko hinikayat makiisa sa sorpresang shake drill

Ang panawagan ay pina­ngunahan ni MMDA Ge­neral Manager Jojo Garcia.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na makilahok sa ikaapat,  kakaiba at  makatotohanang shake drill na nakatakdang isagawa anumang araw ngayong darating na linggo para paghandaan ang posibleng malakas na lindol na tatama sa Metro Manila o ang tinaguriang “The Big One”.

Ang panawagan ay  pina­ngunahan ni MMDA Ge­neral Manager Jojo Garcia.

Magaganap ang pang-apat na Metro Manila Shake Drill ganap na ikatlo ng hapon anumang araw sa susunod na linggo.

Ayon pa kay Garcia, mag-tetext blast ang telecommunication companies sa kanilang mga subscribers limang minuto bago maganap ang drill.

“Ang trigger na parang naganap na ang malakas na lindol sa cell broadcast ng mga telcos habang patutunugin naman ang mga siren ng ambulansya, public address systems ng mga building, simbahan at iba pa sa oras ng drill,” dagdag pa ni Garcia.

 Ang mga istasyon ng radio naman ay aabisuhan ang publiko at magpapatunog ng alarm.

 “Ito ang magiging signal para lahat na mag-drop, cover and hold at praktisin na ang kanilang sari-sariling evacuation plans,” ani Garcia.

Walang personnel o equipment na i-poposisyon sa mga emergency operation centers at evacuation camps sa apat na quadrants sa Metro Manila.

Show comments