Mister iniwan ng pamilya, nanunog

MANILA, Philippines — Nadamay sa pagwawala ng isang mister na iniwan ng kanyang pamilya ang nasa 24 na pamilya makaraang silaban ng suspek ang kanyang bahay sa may fish port ng Navotas Ciy, kamakalawa ng gabi.

Naaresto ng mga pulis ang suspek na si Vergel Balera, 35, residente ng M. Naval Street, Brgy. North Bay Boulevard North ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-6:32 ng gabi nang unang mapansin ang makapal na usok na nanggagaling sa bahay ni Balera hanggang kumalat na ang apoy sa mga katabing bahay.

Alas-9:20 na ng gabi nang maapula ng mga bumbero ang sunog na nagresulta sa pagkakatupok sa 13 bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinadyang silaban umano ni Balera ang kanyang bahay habang lango  sa alak makaraang iwanan ng kanyang misis at mga anak. Nais umanong magpakamatay ng suspek ngunit nagawa siyang hatakin palabas ng kanyang nag-uumpisang maglagablab na bahay.

Ayon kay Supt. Edwin Vargas, Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Navotas Fire Station, nahirapan makapasok ang mga fire trucks dahil makipot ang daan kaya natagalan ang pag-apula sa apoy. Kinailangan pa ng ibang bumbero na umakyat sa rooftop ng katabing gusali at pader ng isang gasolinahan.

Masuwerteng wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente habang inaalam pa ng mga imbestigador ang halaga ng natupok na mga ari-arian.

Nakatakda namang sampahan ng kasong arson ang suspek na si Balera na nakaditine ngayon sa Navotas City Police Detention Center upang mailayo sa mga galit na galit na mga kapitbahay na biktimang sunog.

Show comments