3 ‘most wanted’ ng SPD arestado

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang tatlong lalaki na kabilang sa talaan ng “most wanted person” sa mga lung­sod ng Las Piñas at Makati City kamakalawa.

 Sa ulat ng Las Piñas City Police, unang nadakip sa ikinasang operasyon dakong alas-3:30 ng madaling araw si Raymund Lamit, 32, ang ika-9 sa most wanted list sa naturang lungsod.

Hindi na nakapalag si Lamit nang mapaligiran ng mga pulis ang kanyang bahay sa Basa Compound, Brgy. Zapote, sa naturang lungsod at ihain sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Lynette May Deloris-Manalang ng Las Piñas Metropolitan Trial Court Branch 124 sa kasong theft.

Dakong ala-1:30 ng hapon, nadakip din ng Warrant and Subpoena Section ang ika-7 naman sa Most Wanted List na si Edward Bautista, 25, ng No. 371, Real Street, Brgy. Pulang Lupa 1, na nahaharap sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Ismael Duldulao ng RTC Branch 197 sa kasong robbery at illegal drugs.

Sa Makati City, nadakip­ din dakong alas-8:10 ng umaga­ kamakalawa ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ang ika-9 na most wanted person sa lungsod na si Jose Marri Salvacion, 28, ng Block 69, Lot 5, Amarillo Street, Brgy. Rizal nang isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Ma­tias Garcia II ng Makati RTC Branch 19 sa kasong carnapping.

Show comments