Pagpapalawig sa ‘motorcycle lane’, aprub sa Metro Mayors

MANILA, Philippines — Pinalawak ng Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng mga Metro Ma-yors ang implementasyon ng ‘motorcycle lane’ sa iba pang kalsada sa Kamayni­laan at karatig na lala­wigan ng Rizal.

Sa pulong na ginanap kamakailan ng  MMC, inaprubahan nito ang inilatag na proposal ng Metropolitan Manila Development Autho-rity (MMDA) na ipatupad rin ang ‘non-exclusive motorcycle lane’ sa Marcos Highway mula Katipunan Avenue sa Quezon City hanggang sa Sumulong Highway sa Antipolo City.

Ipatutupad na rin ito sa Roxas Boulevard mula MIA Road hanggang Anda Circle at Elliptical Road hanggang Quiapo sa Maynila na babagtas sa mga kalsadang Quezon Avenue, España Blvd., at Quezon Boulevard.

Kasalukuyang ipinatutupad ang motorcycle lane sa buong kahabaan ng EDSA, Commonwealth Avenue, Pres. Diosdado Macapagal Boulevard at President Carlos P. Garcia Avenue at President Carlos P. Garcia Avenue o C-5 Road.

Sinabi ni MMDA Chair-man Danilo Lim na naging ma-tagumpay umano ang pagdidisiplina sa mga motorcycle riders sa mga lugar na ito at bumaba ang mga aksidente kaya kailangang ipatupad na rin sa ibang lansangan.

Kinontra naman ito ni Jobert Bolanos, secretariat ng Rider of the Philippines Coalition at pangulo ng Motorcycle Rights Organization (MRO). Iginiit ni Bolanos hindi naging ligtas ang mga riders sa pagkakaroon ng motorcycle lane dahil sa ikinukulong ang mga motorsiklo sa isang lane na kasama rin ang mga 4-wheel na behikulo.

“The segregation goes against the equal protection from the law since it entraps us while other vehicles are free to move about the lane.  Ang katotohanan sa pagbaba ng aksidente ay dahil ang mga rider dahil sa takot na mapagmulta ay mas pinipili na dumaan na lamang sa ibang kalsada,” ani Bolanos.

Iginiit pa niya na ‘discriminatory’ ang motorcycle lane dahil sa pareho rin ang ibinabayad na ‘road users tax’ nila sa mga nakakotse.  Sinabi pa nito na hindi lang mga nakamotorsiklo ang sanhi ng aksidente ngunit maging ang mga nakasakay sa mas malalaking behikulo na pumipina at nagha-harass sa mga nakamotorsiklo sa mga kalsada sa Metro Manila.

Show comments