Trader ‘tinalo’ ng ka-lugar

P150k kita tinangay

MANILA, Philippines — Nalimas ang P150,000 ko­leksyon ng isang tindahan ng softdrinks makaraang katalu­hin siya at pagnakawan ng kan­yang kalugar na suspek, kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Pinaghahanap na ngayon makaraang makilala sa pamamagitan ng closed circuit te­le­vision camera (CCTV) sa tin­dahan ng biktimang si Felix Canay, 69-, ang suspek na si Edmundo Navarro Jr., 25, ng Brgy. Malinta, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, sinabi­ ni Canay na nagising siya para magkape dakong alas-4 ng madaling araw at upang magbukas na rin ng kanyang tindahan. Dito niya napansin na bahagyang nakabukas ang pinto ng kanyang tindahan kaya pinasok niya at natuklasan na nawawala ang “steel box” na pinaglagyan niya ng perang koleksyon sa loob ng apat na araw na nagkakahalaga ng humigi’t kumulang P150,000.

Sa imbestigasyon ng Valenzuela City Police-Station Investigation Unit, napanood sa CCTV camera sa loob ng tindahan ang pagpasok ng magnanakaw dakong alas-2:30 ng madaling araw nang tuklapin ang bubungan bilang daanan. Dito diretsong tina­ngay ng suspek ang steel box at tumakas nang dumaan sa pinto ng tindahan.

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang pu­lisya upang madakip ang suspek. 

Nakikipagtulungan na rin ang Guiguinto, Bulacan PNP at maging ang mga magulang ng suspek sa Bulacan upang mapasuko ang suspek na nahaharap sa kasong robbery.

Show comments