Rider na tinakasan ang MMDA, sumemplang, todas

MANILA, Philippines — Todas ang isang motor rider habang sugatan ang dalawang babaeng angkas nito matapos na paharurutin ang sinasakyang motorsiklo upang takasan ang sumitang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kamakalawa  ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Joemar Rosas, 23, ng Meycauayan, Bulacan.

Dead-on-the-spot si Rosas matapos na humampas ang ulo sa konkretong semento habang sugatan naman ang dalawang angkas nito na sina Jobylyn Gricalda, 20, ng Bocaue, Bulacan at Maricar Valdez, 26, ng Brgy. San Agustin, Novaliches Quezon City.

Nabatid mula sa imbestigasyon na isinagawa ni SPO3 Arman Milad, na  dakong alas–11:45 ng gabi nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng EDSA sa Brgy. Sto. Kristo, Quezon City.

Ayon sa report, sinita umano ng MMDA Traffic enforcer ang matulin na takbo ng motorsiklo, riding-in trio at walang helmet ang isa sa kanila sa kahabaan ng North Avenue na minamaneho ni Rosas habang angkas sina Gricalda  at Valdez.

Subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa umano ni Rosas ang  minamanehong motor patungo sa direksiyon ng EDSA.

Hinabol sila ng MMDA enforcers na lulan din ng motorsiklo subalit pagsapit ng EDSA sa kanto ng Nueva Ecija St.,  sa Brgy. Sto. Kristo ay sumalpok ito isang Honda Civic na minamaneho naman ng nakilalang si Jerwin Dagdag, 40.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang tatlo at bumagsak una ang ulo ni Rosas na kanyang agarang ikinamatay at ikinasugat ng dalawang angkas. 

Show comments