1 miyembro ng Aegis Juris, isinailalim na sa WPP

Lumagda sa memorandum of agreement (MOA) sa witness protection program si Marc Anthony Ventura, isa sa miyembro ng Aegis Juris na tetestigo sa kaso ni Atio Castillo sa harap nina DOJ Usec. Raymund Mecate, Usec in Charge sa WPP; WPP Executive Director Nerissa Carpio; WPP Deputy Exe­cutive Director Abraham Siu,  Atty. Ferdie Benitez, counsel ni Ventura at Mrs. Merlene Ventura, ina ni Marc Anthony.

MANILA, Philippines — Isinailalim na sa Witness Protection Program (WPP) ang isa sa mga respondent sa kaso ni Horacio ‘Atio’  Castillo III kung saan isinaad nito  ang  sinapit ng una  sa kamay ng Aegis Juris members.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II, ito ay si Mark Ventura na umaming kasama sa initiation rites na nangyari ng madaling araw ng September 17, 2017 sa loob ng Aegis Juris fraternity library sa Sampaloc, Maynila.

Sinabi ni Aguirre na Martes ng hapon nang magtungo sa DOJ si Ventura kasama ang kanyang abugado at ina na si Merlene Ventura.

Aniya, may inihanda nang salaysay si Ventura na naglalahad ng kanyang nalalaman magmula nang si Atio ay ma-recruit bilang neophyte ng Aegis Juris hanggang sa siya ay sumailalim sa initiation rites noong September 17.

May mga ibinigay din umano siyang pangalan tungkol sa mga naroon sa initiation rites.

Tinukoy pa ng kalihim na base sa paglalahad ni Ventura, ala-1:00 ng madaling araw nagsimula ang initiation rites at ito ay tumagal ng mahigit tatlong oras.

Sinimulan umano ang pa­nanakit sa pamamagitan ng pagsuntok sa braso ni Atio na hindi tinigilan ng mga frat members hanggang sa mamaga nang husto ang mga braso ni Atio.

Ang pagsuntok sa braso ay sinundan naman ng paghampas ng spatula na pangluto para makalma ang kalamnan ni Atio.

Pagkatapos ng spatula, saka na umano sinimulan ang pagpalo kay Atio ng paddle, pero bumagsak siya sa pang-apat na palo.

Pero nang magkamalay si Atio, muli umano siyang hinampas ng paddle na naging dahilan para siya ay muling mag-collapse.

Pinatakan pa umano ito ng kandila sa katawan para alamin kung ito ay magre-respond sa sakit pero hindi na ito kumikilos.

Sa pagkakataong ito, dito na umano nagpanik ang mga miyembro ng Aegis Juris at tinawagan na si John Paul Solano na isang medical technologist para malapatan ng paunang lunas si Atio. (Doris Franche- Borja)

Show comments