Pedopilyang Amerikano, arestado

MANILA, Philippines — Inaresto nang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration Intelligence unit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at ng Philippine National Police Women and Children Protection Center ang isang 58- taong gulang na hinihinalang American pedophile na dumating sa bansa para makipagkita sa mga diumano’y mga bibiktimahin nitong mga menor de edad.

Sa naantalang ulat, kinilala ni Erwin Ortanez, intel chief sa NAIA, ang suspect na isang Robin Hoyt Alderman. Ito ay agad hinuli matapos makilala ng mga awtoridad sa arrival immigration counter matapos itong dumating sa bansa noong Oktubre 19 galing Ho Chi Minh City.  

Sinabi ni Ortanez, ang impormasyon tungkol sa pagdating ni Alderman sa bansa ay galing sa US Embassy.

Si Alderman, ay dinala sa tanggapan ng pulisya para maimbestigahan. Ito ay agad pababalikin sa pinanggalingan bansa oras na natapos ang kaso sa kanya.

Show comments