Manila drug war, 25 utas

Sinisiyasat ng pulisya ang bangkay ng dalawang drug pusher na napatay sa police operation sa kahabaan ng Don Pedro St., kanto ng Arellano Avenue, Sta. Ana, Maynila. (Joven Cagande)

24 oras operasyon

MANILA, Philippines -  Umaabot sa 25 katao ang napatay ng pulisya sa lungsod ng Maynila sa loob ng 24 na oras bunsod ng pinaigting na “anti drug at anti-crime operations” ng 10 istasyon ng Manila Police District (MPD).

Sinabi ni MPD Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, sa 25 napatay, nasa 11 ang sangkot sa robbery holdup sa Sta. Cruz, Malate, Sampaloc, at Tondo, habang ang 14 na iba ay napatay naman sa buy-bust operations ng illegal na droga.

Pawang nanlaban aniya ang mga suspek habang inaaresto kaya’t napilitan ang mga pulis na ipagtanggol ang kanilang sarili na nagresulta sa kanilang pagkamatay.

Sa inisyal na mga ulat, kabilang sa mga drug per­sonality na napaslang sina Rolando Solato, at Lexter Montaniel ng Sta. Cruz, Maynila; Rolly Mangilin, Edgardo Espanola, Godfrey Gutierez, sa Sampaloc, Maynila; Winzar Ma­nangkal at isang alyas Boy Bakla sa Port Area, Maynila.

Ayon kay Coronel, nasa higit 40 operasyon  ang isinagawa ng kanilang mga tauhan sa loob ng 24 na oras kabilang ang buy-bust operations, anti-criminality, pagsisilbi ng search at arrest warrants at pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod.

Sinabi naman ni P/Supt. Erwin Margarejo, ta­ga­pagsalita ng MPD, na wala pang official reports ang lahat ng insidente kaya wala pang detalye ang karamihan sa mga ope­rasyon na inaasikaso naman ng kanilang mga imbestigador sa Homicide Section.

Nilinaw niya na initial reports pa lang ang natu­rang bilang na maaaring madagdagan o mabawa­san sa oras na matanggap at makumpleto na lahat ng police reports buhat sa kanilang mga istasyon.

Nanindigan rin ang opis­yal na hindi sila nakiki­pagpaligsahan sa ibang police units makaraan naman na 32 katao ang ma­paslang sa lalawigan ng Bulacan kamakailan.

Samantala, nasa 166 katao naman ang di­nam­pot rin ng MPD sa ‘one time, big time operations’.

Nasa 48 sa mga nadakip ay sangkot sa mga kasong murder, iligal na droga, robbery, homicide habang ang 118 pa ay pag­labag sa mga city ordinance.

Show comments