MRT-3, dumanas ng aberya, nagbaba ng pasahero

MANILA, Philippines -  Napilitang magbaba ng mga pasahero ang isang tren ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga matapos na muling dumanas ng aberya.

Batay sa abiso ng pamunuan ng MRT-3, nabatid na dakong alas-7:00 ng umaga nang magkaroon ng technical problem ang isa nilang tren sa northbound ng Boni Avenue Station sa Mandaluyong City.

Hindi naman nilinaw ng MRT-3 kung anong klaseng aberya ang naganap.

Naitala sa CAT 3 ang status ng tren, na nangangahulugan na inalis ito sa linya nang walang kapalit.

Naibalik din naman kaagad sa normal ang serbisyo ng tren.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City. 

Show comments