Mahigit 200 pulis AWOL na - NCRPO chief

MANILA, Philippines -  Tinatayang mahigit sa  200 pulis na hindi sumama sa biyahe patungong Basilan sa Mindanao ang inilagay na ng Philippine National Police (PNP) sa listahan ng AWOL o “Absent Without Leave” at posibleng tuluyang matanggal na sa serbisyo kung patuloy na hindi mag-uulat sa kanilang mga mother units.

Ito ang sinabi ni Natio-nal Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde makaraang kumpirmahin na nasa 58 lamang sa kabuuang 310 pulis na may order for transfer na ang naipadala sa Basilan.

Sa 310 pulis na dadalhin sana sa Mindanao, 253 sa kanila ay magmumula sa NCRPO ngunit nasa 53 tauhan lamang nila ang nag-report at bumiyahe sa Basilan. Sa higit 200 pulis na hindi sumama sa biyahe, nasa tatlo lamang sa kanila ang sumulat sa PNP at nagbigay ng dahilan tulad ng pagkakaroon ng karamdaman kaya hindi nakasama. 

Dahil dito, ikinukunsidera na AWOL na ang higit 200 pulis na patuloy na hindi nagre-report. Hindi na rin nagbigay ng palugit si Albayalde sa mga pulis na ito upang magbigay ng kanilang paliwanag.

“Wala nang deadline.  If they are absent for one week, naka-mark AWOL ka na.  From February 18 na hindi sila nag-report, they can be dropped from the  rolls and cut na ang suweldo ng mga iyan. But of course we will give them due process,” ani Albayalde.

Kung aapela naman umano ang mga pulis, hindi na ito sagutin ng NCRPO at bahala na ang PNP-Internal Affairs Service na mag-aral at magdesisyon sa kanilang mga kaso.

Ipinagtanggol ni Alba-yalde ang hakbang na una nang sinabing hindi ito parusa ngunit normal na pro-seso nila ng re-assignment.  Ito ay upang matanggal rin ang mga pulis na nahaharap sa sari-saring kasong kriminal at administratibo sa kanilang “sphere of influence” sa kanilang lugar. 

Inihalimbawa pa ng he-neral ang ginagawang pagtatalaga sa kanila noong junior officers pa lamang sila ng PNP sa mga napakalalayo at liblib na lugar na may mga giyera ngunit hindi sila nagrereklamo. Dapat umanong tandaan ng mga pulis na nang manumpa sila sa tungkulin, sa PNP sila nanumpa at hindi sa NCRPO kaya sa buong bansa ang kanilang serbisyo.

 

Show comments