Dance choreographer binoga, patay

MANILA, Philippines - Todas ang isang uma­no’y bading  na dance cho­reographer makaraang pagbabarilin ng apat na lala-ki na nakunan pa ng video ng CCTV sa isang kal­sada sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Alejandre Ofielda, 44, na pansamantalang nanunulu-yan sa bahay ng kaibigan sa may Brgy. 12, Caloocan City.

Sa ulat, ala-1 ng mada-ling araw nang maganap ang krimen sa kahabaan ng Capac Street, Brgy. 12, ng naturang lungsod.  Sa kuha ng closed circuit television camera sa lugar, nakita na tumatakbo ang biktima na nakasuot ng itim na shorts at puting t-shirt ngunit big­lang bumagsak sa kalsada dahil sa ng bala.

Dito sumulpot ang apat na armadong lalaki na nakasuot ng mga sombrero at may takip na mga panyo ang mukha. Nilapitan ng mga salarin ang nakalugmok na biktima saka muling pinaputukan upang matiyak ang kanyang kamatayan.

Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO), hindi bababa sa limang tama ng bala ang tinamo ng biktima sa kanyang ulo, likuran at iba pang bahagi ng katawan, nasa apat namang basyo ng bala mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang narekober sa lugar.

Itinanggi naman ni Gibson Olazo, kaibigan ng nasawi, na gumagamit ng iligal na droga ang biktima.  Nakikitira lang umano sa kanya si Ofielda dahil sa kanilang trabaho ng pagtuturo ng sayaw.

Nakatakda namang ga­mitin ng pulisya ang kuha ng CCTV sa lugar upang makilala ang mga salarin.

Show comments