Kelot na dawit sa illegal drugs, nilikida

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki na sangkot umano sa droga nang pagbabarilin ng riding in tandem na nakamaskara sa harapan mismo ng kinakasama nito, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kaagad nasawi ang biktimang si  Eddie Acoba, alyas Bong, 46, ng Dagohoy St., Brgy. 77 ng naturang siyudad matapos itong magtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa kalibre .45 baril.

Ayon sa report na natanggap ni Senior Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-11:30 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima sa naturang lugar.

Natutulog umano ang biktima at ang kinakasama nitong si Connie Bequillo nang pwersahang pumasok ang mga suspect sa bahay ng mag-live-in.

Hinila ng mga suspect ang biktima palabas ng kanilang kuwarto at pinagbabaril sa harapan ng kanyang kinakasamang si Bequillo sa kabila nang pagmamakaawa ng huli.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang motorsiklong walang plaka.

Iniimbestigahan pa ang naturang insidente at nalaman na minsan na umanong nasangkot sa droga ang biktima.

Show comments