Bangkay ng lola, natagpuang naaagnas

MANILA, Philippines - Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang matandang babae na mag-isang namumuhay sa kanyang bahay, kamakalawa ng umaga sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawi na si Teresita Aquino, nasa pagitan ng edad 55-60 anyos, balo, at residente ng No. 228 Libis Orkana Street, Brgy. 20, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang mapansin ng kapitbahay na si Bernard Bulatao ang masangsang na amoy na nagmumula sa bahay ni Aquino.  Kinatok niya ang bahay para kamustahin siya ngunit walang sumasagot kaya nagpasya si Bulatao na iulat na lamang sa mga opisyal ng barangay.

Puwersahan na pinasok ng mga opisyal ng barangay ang bahay at nakita ang bangkay ni Aquino na nakalugmok sa sahig malapit sa hagdan ng bahay.

Dumating naman sa lugar ang stepdaughter ni Aquino at sinabing dumaranas umano ng matinding karamdaman ang matanda na may tumor sa hindi nabanggit na bahagi ng katawan. 

Nakatakdang isailalim sa otopsiya ang nasawi upang makatiyak kung sa karamdaman nasawi si Aquino o may iba pang dahilan.

Show comments