Kelot bulagta sa buy-bust

MANILA, Philippines - Dead on arrival sa ospital ang isang binata makaraang maki­pagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, kamakalawa ng gabi. Sa ulat na nakarating kay Quezon City Police District (QCPD) Director Senior Supt. Guillermo Eleazar ng Police Station 6, nakilala ang nasawi na si Isaac Pabilona, 32 ng San Vicente St., Payatas-A, QC.

Ayon sa ulat, ang operasyon ay isinagawa ng mga tropa ng Station Anti Illegal Drugs-(SAID-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Police Station-6 na pinamunuan ni Insp. Mario Pascual sa  bahay ng suspek, dakong alas-10:30 ng gabi.

Ayon sa ulat, target ng buy-bust operation ang isang Levi Picache, alyas Ace at isang Enteng Gonzales na kilalang kilabot na ‘tulak’ ng shabu sa nasabing barangay at nasa drug watchlist ng nasabing himpilan.

Sa operasyon nagkunwaring buyer ng shabu ang isang ope­ratiba ng SAID-SOTG laban sa suspek na si Gonzales, kung saan naroon din si Pabilona. Subalit hindi na natuloy ang palitan ng transaksyon matapos na makatunog si Pabilona na may mga operatiba sa paligid at agad na pinaputukan ang mga awtoridad.

Ang resulta, nakatakas ang target ng pulisya na si Gonzales, habang nagtatakbo naman papasok ng kanilang lungga si Pabilona at nagpatuloy sa pagpapaputok ng kanyang baril sanhi para gumanti na ng putok ang mga operatiba na siyang ikinatama nito.

Nagawa pang maitakbo ng mga awtoridad ang suspek sa East Avenue Medical Center pero idineklara rin siyang dead on arrival.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .45 pistola, mga drug paraphernalia, dalawang sachet ng shabu, tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 at tatlong piraso ng tingga.

Show comments