Karnaper tiklo dahil sa palpak na baril

MANILA, Philippines – Tila ipinahamak ng kanyang palpak na nabaril ang isang  karnaper matapos nang hindi pumutok at kuyugin ng taumbayan matapos na tangkaing barilin ang isang motorcycle rider na biniktima nito, kamakalawa ng madaling araw sa Valen­zuela City.

Bugbog-sarado at kasalukuyang nakaditine ngayon sa Valenzuela Police Detention Center ang suspek na nakilalang si Gerald Rabino, 28, binata, at residente ng No. 6 Barangay Street, Brgy. 155 Bagong Barrio, Caloocan City.

Sinampahan ito ng kasong attempted carnapping at attempted homicide ng biktimang si Jonathan De Castro, 26, binata, isang guro, at naninirahan sa Block 9 Lot 9 Northville 1, Bignay, Valenzuela City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, binabagtas ni De Castro ang kahabaan ng McArthur Highway sa may Brgy. Karuhatan, dakong alas-5:30 ng madaling araw sakay ng kanyang Suzuki Raider 150 motorcycle nang huminto sa red signal ng traffic light. Dito biglang sumakay sa kanyang likuran ang suspek sabay tutok ng baril at inutusan ang biktima na magpatuloy lamang sa pagmamaneho.

Nang makarating sa may Novo Building, inutusan ng sus­pek ang biktima na huminto. Dito inagaw ng suspek ang manibela ngunit pinigilan siya ng biktima. Binaril ng suspek si De Castro ngunit hindi pumutok ang kanyang baril sanhi para makipagpambuno ang biktima.

Dito na tinulungan ng taumbayan ang biktima at kinuyog ang suspek. Naawat lamang ang panggugulpi kay Rabino nang rumesponde na ang mga tauhan ng Police Community Precinct 9 at arestuhin ang suspek.  Nakumpiska sa posesyon nito ang isang kalibre .38 na baril na may dalawang bala at isang basyo na nasa loob pa ng chamber nito.

Show comments