Bodega ng kendi at biskwit natupok

MANILA, Philippines - Naabo ang mga nakaimbak na kendi, biskwit at tsokolateng produkto ng isang kompanya sa naganap na sunog  na nag-umpisa, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Sa ulat ng Navotas City- Bureau of Fire Protection, da­kong alas-10 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa unang­ palapag ng bodega na pag-aari ng Columbia Food Pro­ducts sa may Escoda at Fe­de­rico Street, Brgy. San Rafael, ng naturang lungsod.

Nang hindi agad maagapan ang apoy, agad na ku­malat ito sa ikalawang palapag ng bodega kung saan na­man nakaimbak ang mga wrappers.

Itinaas ang alarma ng sunog sa Task Force Echo kung saan nasa 50 trak ng bumbero ang rumesponde.

Nahirapan naman ang mga pamatay-sunog na apulahin ang apoy dahil sa kitid ng mga daanan.

Dakong alas-7 na ng uma­ga nang magdeklara ang BFP ang fire under control.

May teorya ang pulisya na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog. Patuloy namang inaalam ang kabuuang halaga ng ari-ariang natupok­ habang masuwerte na walang nasawi sa insidente.

Show comments