Wanted sa murder timbog; 3 kilo ng shabu nasamsam

Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Victor Deona ang nasakoteng suspect na si Ernesto Fernandez, alyas Loloy. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Nasakote ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang wanted sa kasong murder na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng aabot sa P10-M halaga ng shabu, sari-saring mga armas at bala sa raid sa isang condominium unit sa Mandaluyong City nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Victor Deona ang nasakoteng suspect na si Ernesto Fernandez, alyas Loloy.

Bandang alas-8:30 ng umaga ng salakayin ng mga operatiba ng Anti-Transnational Crime Unit ng PNP-CIDG  ang Unit 806 sa Tivoli Gardens Residences sa Brgy. Hulo, Mandaluyong City.

Si Fernandez ay wanted sa kasong murder na inisyu ng Malabon Regional Trial Court (RTC) . Arestado rin sa operasyon si Liezieliza Dernandez, 26,  na nasa lugar na pinagtataguan ng suspek.

Ang raid ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Executive Judge Reynaldo Alhambra ng Regional Trial Court (RTC) Branch 53 ng Manila City kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 ( Firearms Law).

Nasamsam  rin sa operasyon ang 3 kilo ng shabu na  nagkakahalaga ng P10 milyon.

Nakuha rin sa operasyon ang isang US carbin caliber 30 M2 , isang 12 gauge shot gun Remington, isang cal 45 pistol, dalawang caliber 38 pistol, isang granada, sari-saring mga bala , mga drug paraphernalia. Timbangan ng shabu, bolt cutter, passbook , mga plaka ng sasakyan, kemikal , bolt cutter at kulay asul na Toyota Hi Ace.

Show comments