Pinagalitan ng ama, 12-anyos nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 12-anyos na Tsinoy nang magbaril sa sarili matapos na mapagalitan ng dahil sa hindi pagpasok sa paaralan, kamakalawa ng gabi sa Ma-labon City.

Dakong alas-8:15 ng gabi nang ideklarang wala nang buhay ng manggagamot sa Manila Central University Hospital ang batang si Mark Ivan Chua, grade 8 pupil, at residente ng No. 117 Gumamela Street, Araneta Village, Brgy. Potrero, ng na­turang lungsod.

Sa ulat ng Malabon City Police, dakong alas-6:30 ng gabi nang umuwi ang mga magulang ng biktima na sina Mark Jason Chua, 44, at kanyang misis matapos na sunduin ang 11-taong gulang na anak na babae sa paaralan.

Dito inabutan ni Mark Jason ang anak na si Mark Ivan na pinagalitan nito nang malaman na hindi pumasok sa paaralan kahit maayos na ang pakiramdam. Nabatid na dalawang araw na lumiban sa klase ang bata dahil sa pagsusuka at pagtatae.

Nang pumasok sa kuwarto para maligo, nakarinig si Mark Jason ng putok mula sa garahe at ng puntahan, nakita nito ang anak na naliligo sa sariling dugo sa passenger seat ng Isuzu Alterra.

Agad na isinugod ng pa­milya ang bata sa MCU Hospital kung saan ito nalagutan ng buhay dahil sa tama ng bala sa sentido.

Isinuko naman ng matandang Chua ang sarili sa pulisya maging ang kanyang lisensyadong kalibre .40 baril.

Show comments