Mag-asawa niratrat sa Quezon City

MANILA, Philippines – Patay ang mag-asawa makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa isang kalye sa lungsod Quezon sa bisperas ng Bagong Taon.

Sa ulat ni PO2 Marlon  dela Vega, may-hawak ng kaso, nakilala ang mga nasawi na sina Monsuari Oro-gan y Langap, 35 ng Buyer St., at asawa nitong si Mary Jane Orogan y Piso, 37, ng Aster St., kapwa sa Barangay North Fairview sa lungsod.

Blangko naman ang pu­lisya sa pagkatao ng salarin dahil walang nakakita sa nasabing pamamaslang.

Ayon kay  Dela Vega, nangyari ang insidente sa may gilid ng Five R Marble at Pebbles Supply na matatagpuan sa kahabaan ng Adrian St., kanto ng Commonwealth Avenue, ng nasabing bara-ngay, ganap na alas-7:15 kamakalawa ng gabi.

Sa pahayag ng isang Jojo Gabriz, nasa loob siya ng nasabing establisimiyen­to nang makarinig ng mga putok ng baril mula sa labas. Nang kanyang tignan ay saka bumulaga sa kanya ang mga biktima habang magkahiwalay na walang buhay na nakahandusay sa tabi ng kanilang gamit na isang Suzuki Smash (2364-IJ) motorcycle.

Agad namang ipinabatid ni Gabriz ang insidente sa kaanak nilang si Arsad Orogan saka ipinaalam ito sa otoridad para sa kaukulang pagsisiyasat.

Nakuha naman ng  Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang  limang piraso ng basyo ng bala ng hindi mabatid na kalibre; dalawang piraso ng tingga; at isang magazine   ng baril na may lamang tatlong piraso ng bala.

Lumilitaw sa cursory exa­mination na kapwa nagtamo ang mga biktima ng  multiple gunshot wounds na siyang ikinasawi ng mga ito.

Patuloy ang imbestigas-yon sa nasabing insidente.

Show comments