Natunton dahil sa gamot trader ipinadukot ng pinsan, nasagip ng NBI

Ipinakita ni NBI director Virgilio Mendez ang narekober na mga baril at bala sa mga nadakip na kidnaper na nakilalang sina Rammel Relos at Francisco Quiamko. Edd Gumban

MANILA, Philippines - Natunton dahil sa kaniyang mga iniinom na gamot ang isang kidnap victim na  sinasabing ipinadukot ng kaniyang pinsan na ‘Loteng Lord’ dahilan upang mairescue ito ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at madakip naman ang  dalawa sa anim na nag­sa­b­­­watan sa kidnap-for-ransom, ayon sa ulat kahapon.

Sa pulong balitaan na pi­nangunahan ni NBI Director Virgilio Mendez, tagumpay na nailigtas ang negosyanteng si Teodorico Ozaeta, ng Lipa City, Batangas na dinukot  noong nakalipas na Hulyo­ 24 sa South Supermarket, sa Lipa City.

Arestado naman ang mga suspek na sina Francisco Quiamko at Rammel Relos, na naaktuhang may dala sa biktima nang masakote ng mga ahente ng NBI sa Manga­tarem, Pangasinan.

Apat pang suspek ang pinaghahanap na kinabibila­ngan ng mastermind na si Walter Ozaeta, isang umanong gambling lord o Loteng Lord na operator sa lalawigan ng Batangas, Visayas at Min­danao.

Matapos idulog ang insidente ng kidnap sa tanggapan ng NBI-National Capital Region, agad bumuo ng team sa pangunguna ni Atty. Max B. Salvador at nalaman nila sa kuha ng closed circuit television (CCTV) ang insidente ng pagkaladkad sa biktima ng dalawang suspek at isinakay sa L300.

Kinabukasan ay nakatanggap ng tawag ang pa­milya ng biktima na nanghihingi umano ng ransom na P30-milyon ang mga suspek.

Kabilang sa siniyasat ng NBI ang sinasabing maysakit ang biktima kaya ina­lam nila ang mga gamot na posibleng ipabili nito sa mga kidnaper at hindi nagkamali ang NBI nang ma-trace sa isang botika sa Mangatarem, Pangasinan na may bumibili ng nasabing gamot eksakto sa set ng gamot na iniinom ng biktima.

Naabutan sa nasabing botika si Relos na patungo sa isang Toyota Previa at doon ay sinita na siya ng mga operatiba at nakita sa loob ng sasakyan ang biktima habang nasa driver’s seat si Quiamko. Nakumpiska sa ka­nila ang dalawang kalibre 45 pistola at mga dokumentong nagpapatibay ng ugna­yan kay Walter Ozaeta.

Noong Hunyo umano nagplano ng pagkidnap si Walter at kasamahan nitong sina Quiamko;  isang alyas Ruben na sinasabing nagback-out sa plano; isang alyas Boy  at dalawa pa.

Naging pondo umano ng grupo ang mga padalang pera mula sa mga ‘cabo’ sa ‘Loteng’ ni Walter. Isa rin sa bubusisiin ang isa sa sasak­yang ginamit sa pagdukot nang dalhin sa Macapagal Ave­nue si Teodorico ay may ‘Judiciary comme­morative plate’.

Maging ang baril na ginamit ni Quiamko ay pag-aari umano ni Walter. Sinisilip na dahilan sa kidnapping ay ang malaking pagkakautang ni Walter sa biktima.

 

Show comments