Barilan malapit sa sabungan: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki habang dalawa pa ang sugatan makaraan na makipagbarilan sa isang grupo ng kalalakihan malapit sa isang sabungan, Linggo ng hapon sa Malabon City.

Nakilala ang nasawi na si Fernando Garcia, 59, ng Tiangco St. Brgy. Ibaba, Malabon habang sugatan naman sina Eutemio Corpin, 46, ng Brgy. Tangka, Navotas City at Renato Sy, 30, binata, ng Brgy. San Agustin, Malabon City.

Hindi naman nakilala ang dalawang lalaki na naka­barilan ng mga biktima nang agad na maka­takas.

Sa ulat, kalalabas lang ng Matadero Cockpit sa may Nibongco Street Brgy. San Agustin, Malabon ng mga biktima nang sundan ng dalawang salarin at agad na paputukan ng baril.

Unang tinamaan sa kanang balikat si Sy na nagawang makabunot ng kanyang baril at makipagpalitan ng putok sa mga salarin. Matapos ang barilan, duguang bumulagta si Garcia na nagtamo ng tama ng bala sa batok habang tinamaan rin sa balikat si Corpin.

Isinugod sa Chinese Medical Center si Sy habang sa Tondo General Hospital naman si Corpin dinala.

Narekober ng pulisya sa lugar ng barilan ang isang napaputok na bala at dalawang cartridges buhat sa isang kalibre .9mm pistol at cal. Super .38 pistol.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang mabatid ang motibo at maging ang background ng mga biktima.

Show comments