Binata, inutas ng kaibigan

MANILA, Philippines - Utas ang isang binata makaraang pagsasaksakin ng kanyang kaibigan na kanyang inawat habang nagwawala sa Madaluyong City, kahapon ng madaling araw.

Bago nalagutan ng hini­nga ang biktimang si Joel Hizon, helper ng #34 Dansalan St, Bgy. Malamig, Mandaluyong City ay nagawa pa niyang banggitin ang pa­ngalang Reynold Bediasay, 22, alyas “Noynoy,”  tubong Samar  at residente ng #171 Sheridan St. Bgy. Buwayang Bato, Mandaluyong City na sumaksak sa kanya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na dakong alas-2 ng madaling araw ay nag-iinuman ng suspek at biktima kasama ang isa pang kaibigan na si Ramon Condimina sa Madison Square, Sheridan St., Bgy. Buwayang Bato sa lungsod.

Dahil ng kalasingan ay naghamon ng away sa ibang kustomer ang suspek pero inawat siya ng biktima upang hindi mapahamak, sabay hingi ng depensa.

Inilayo ng biktima ang suspek sa lugar ng inuman upang hindi siya kuyugin ng ibang grupo na nag-iinuman pero siya ang pinagbalingan ng galit at pinagsasaksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Bagama’t sugatan, nagawa pa nitong makabalik sa Madison Square, at humi­ngi ng tulong ang biktima sa naiwang kabigan na si Condimina na siyang nagsugod sa Mandaluyong City Medical Center, ngunit namatay din habang nilalapatan ng lunas.

Bago nalagutan ng hini­nga ang biktima ay nasabi nito na si ‘Noynoy’ ang sumaksak sa kanya, kaya ito inaresto ng mga awtoridad na ngayon ay nakapiit sa Mandaluyong Police Detention Cell at nahaharap sa kasong murder.

 

Show comments