Nawawalang coach, natagpuan ang bangkay sa punerarya

MANILA, Philippines - Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Las Piñas City Police hinggil sa brutal na pagpatay sa isang coach ng Milo na natagpuan ang bangkay nito kamakailan sa naturang lungsod.

Ayon kay Senior Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City Police, kahapon lamang nila nakilala ang biktimang si Leo Tugade, 48,  ng T.S. Subdivision, Barangay Almanza Uno, ng naturang lungsod na nagtamo ng maraming saksak  sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na patalim.

Samantala, habang sinu­sulat ang balitang ito ay nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin nila kung sino ang respon­sable sa brutal na pagpa­papatay dito.

Marso 19, 2015 nang ma­tagpuan ang bangkay ng hindi kilalang lalaki malapit sa Paramount Korean School sa Executive Village, Barangay Almanza Uno.

Nabatid sa ilang saksi na huling nakitang buhay ang biktima alas-12:00 ng ma­daling-araw  sa na­sabing petsa­, kung saan may ka­sama itong tatlong kalalakihan at isang babae sa na­turang lugar.

Pagkaraan ng ilang oras ay natagpuan ang bangkay ng lalaki ng ilang residente.

Nabatid pa kay Samala, nakilala lamang ang bangkay ng  biktima ng kanyang inang si Simrosa M. Tugade, 64, ma­tapos silang magpa-blotter sa Las Piñas City Police dahil ilang linggo na itong nawawala. Nang puntahan ng mga kaanak, dito nakumpirma na ang natagpuang bangkay ng lalaki ay si Leo Tugade.

Show comments