Dahil sa biro, binata utas sa boardmate

MANILA, Philippines – Dahil lamang sa pagpatay sa ilaw isang binata ang napatay sa saksak ng kanyang ka-boardmate, kamakalawa ng gabi.

Nasawi noon din ang biktimang si John Michael Buagas, 18, taga Tuguegarao, Cagayan.

Nakakulong naman nga­yon sa detention cell ng Las Piñas City Police ang suspek na si Ronald Lampines.

Sa report na natanggap ni Senior Supt. Adolfo B. Samala Jr., hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-7:20 ng gabi sa compound ng inuupahang kuwarto ng mga biktima at suspek na matatagpuan sa Lourdes St., Fatima Subdivision, Bgy. Zapote ng naturang lungsod habang nag-iinuman ang suspek, ang biktima at pinsan nitong si Christopher Lubugin, 23 nang sandaling nagtungo sa comfort room si Lampines.

Dito ay biniro umano ng biktima ang suspek nang patayin nito ang ilaw ng comfort room.

Dahil dito ay nagalit ang suspek at kinompronta nito ang biktima hanggang magtalo ang dalawa.

Sa kainitan ng pagtatalo  ay nakahagilap ng patalim ang suspek at pinagsasaksak nito ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Nadakip naman ang suspek ng mga pulis sa isang follow-up operation. Patuloy na iniimbestigahan ang naturang kaso.

Show comments