Vendor sugatan sa holdap

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang babae nang barilin ito ng dalawang holdaper na naka-motorsiklo  sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.

Ginagamot sa Fatima Medical Center ang bik­timang si Genalyn Murillo, 27, food vendor sa del Monte Cockpit Arena at residente ng #28 Ilang-Ilang St., Bgy. Karuhatan, Valenzuela City, nagtamo ng tama ng bala sa bandang likod nito buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya  laban sa dalawang holdaper na inaalam na rin ang pagkakakilanlan.

Base sa  imbestigasyon nina SPO1 Edsel dela Paz at PO3 Jun Belbes, ng Ma­labon  City Police, naganap ang insidente ala-1:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng McArthur Highway, Bgy. Potrero  ng naturang lungsod­.

Nabatid, na galing ang biktima sa kanyang puwesto matapos ang magdamag na pagtitinda  at habang naglalakad ito patawid sa sakayan ng jeep  ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo na sakay ang mga suspek.

Kaagad na binaril ng mga suspek ang biktima at pagkatapos ay  tinangay ng mga ito ang bag na naglalaman ng P8,000.00, na maghapon nitong kinita sa kanyang pagtitinda.

Matapos ang panghoholdap ay mabilis na pinaharurot ng mga suspek ang kanilang motorsiklo at mabilis  tumakas habang isinugod naman ang biktima ng mga nakasaksi sa nabanggit na pagamutan. (Lordeth Bonilla)

 

Show comments