Ginang patay sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang 42-anyos na ginang  matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si  Myreene Cordovero, at naninirahan sa Brgy. Bilaran, Nasugbu, Batangas, sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa ulo at sa kanang tuhod.

Ayon sa ulat na natanggap ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police,  naganap ang pamamaril  alas-10:20 ng  gabi  sa harap ng isang sari-sari store  sa may Service Road malapit sa kanto ng Ortigas St., Brgy. 76, Zone 10, Baclaran, Pasay City.

Ayon sa kaibigan nito dumating sila sa Baclaran  bandang alas-9 ng gabi at agad na nagtuloy sa isang fastfood chain upang kumain. Napansin niya ang biktima habang sila ay nasa loob ng fastfood at kumakain na panay ang text at pagsagot nito sa tawag sa  kanyang cellphone.

Matapos umano nilang kumain ay lumabas ng fastfood ang biktima at nanigarilyo sa labas. Sa puntong ito umano dumating ang dalawang kalalakihan na magka-angkas sa motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang kaso.

Show comments