Elevator bumigay, repairman dedo

MANILA, Philippines - Patay ang isang repairman at da­lawa pa ang sugatan matapos na aksidenteng mahulog ang kinukumpuni nilang   elevator  na nasa ikaanim ng palapag ng gusali ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City kamakalawa.

Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Regalado Gutierrez, 32,  repairman ng Hyatt Elevator and Escalator Corporation at naninirahan sa Cubao Quezon City, nagtamo ito ng matinding pinsala sa katawan.

Habang  patuloy pa ring nilalapatan ng lunas ang dalawa pang kasamahan nito na sina Ricardo Cervante at Jejomar Laguran.

Base sa report na natanggap ni Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-10:10 ng umaga sa ikaanim na palapag, South Wings ng tanggapan ng DFA sa Service Road ng Roxas Boulevard ng naturang lungsod habang kinukumpuni ng mga biktima ang elevator nang aksidenteng matanggal ang tornilyo nito sa bracket at bumigay ito.

Nakasakay ang mga biktima sa nahulog na elevator, dahilan upang isugod ang mga ito sa naturang ospital, ngunit hindi na umabot ng buhay si Gutierrez.

Show comments