2 patay: Nabagsakan ng bakal

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang kumpirmadong patay matapos na mabagsakan ng nalaglag na bakal na beam sa canteen ng isang construction site ng ginagawang multi-level parking sa Greenhills, San Juan kahapon ng tanghali.

Kinilala ni PO3 Ryan Parinas, imbestigador sa insi­dente ang dalawang biktima na sina Jesus Ignacio, construction worker at Nica Miranda, empleyado ng kantina.

Nabatid na dakong ala-1:30 ng tanghali nang ma­ganap ang insidente sa kantina nang construction site nang ginagawang multi-level parking sa Greenhills, San Juan City, sa ilalim ng pamamahala ng ARDI Construction Company.

Kasalukuyan umanong kumakain ng tanghalian ang ilang construction worker nang bigla na lang bumagsak sa kantina ang bakal na beam na sinasabing dumulas habang iniaakyat ng isang tower crane sa gusali.

Kaagad namang narekober ng mga awtoridad ang bangkay ni Ignacio samantalang habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin natatanggal mula sa pagkakaipit ang bangkay ni Miranda.

Bukod sa dalawang nasawi, wala naman na uma­nong iba pang nasaktan o nasugatan sa insidente.

Iniimbestigahan naman ng mga pulis ang insidente upang matukoy ang mga dapat managot dito.

 

Show comments