Fetus nilagay sa garapon

MANILA, Philippines - Basta na lamang iniwan ng hindi pa nakikilalang babae ang isang fetus na nasa loob ng isang garapon sa pam­pasaherong jeep, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.

Tinatayang nasa 4-5 buwang gulang ang naturang fetus na lalaki na iniwan ng babae na tinatayang nasa 25-30 taong gulang, payat at may taas na 4’9”.

Sa ulat, sinabi ni Edwin Abella, estud­yante, kasakay niya at ng mga kaklase niya ang naturang babae sa loob ng pampasaherong jeep dakong alas-5:45 ng hapon at pagsapit sa C3 Road sa North Bay Boulevard South ay bumaba.

Napansin naman nina Abella na naiwan ng babae ang isang plastic bag. 

Tinawag pa umano nila ang babae dahil sa may nakalimutan ito ngunit tila hindi sila nadinig nito at nagmamadaling umalis.

Nang buksan ng mga estudyante ang laman ng plastic bag ay tumambad ang fetus na nasa loob ng garapon. 

Dinala naman ang fetus sa Kalea Funeral Homes habang iniulat sa pulisya ang insi­dente.

Show comments