Sunog at pagsabog sa Phil. Army: 25 sugatan

Iniinspeksyon ng mga bumbero ang mga nawasak na gusali sa Phil. Army Explosives and Ordnance Disposal (EOD) office­ sa Fort Bonifacio sa Taguig City matapos ang naganap na sunog dito kahapon. (Kuha ni Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Dalawanpu’t-lima na ka­tao ang nasugatan makaraang masunog at yanigin ng sunud-sunod na malalakas na pagsabog ang gusali ng Explosives and Ordnance Division (EOD) ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon ng tanghali.

Ayon kay Lt. Col. Noel Detoyato, Spokesman ng Philippine Army, bandang alas-10:25 ng umaga nang magkaroon ng sunog sa  EOD Building ng Army Support Command sa loob ng compound ng Army Support Command (ASCOM) sa kahabaan ng Lawton Avenue.

Ilang saglit pa ay sunud-sunod na pagsabog ang narinig sa buong compound ng Army bunga ng insidente.

Sinabi ni Detoyato na isinugod na sa Philippine Army General Hospital para malapatan ng lunas ang mga na­sugatang sundalo.  Kabilang naman sa mga nasugatan ay ang videographer at photographer ng Hukbong Katihan.

Ayon sa opisyal, noong una ay parang mga paputok lamang ang sumasabog pero pagkaraan ng ilang minuto ay malalakas na pagsabog na ang sunud-sunod na yumanig­ sa lugar.

Mabilis namang nag­responde ang mga bumbero at ambulansya sa Army Support Command na nasa kahabaan lamang ng Lawton Avenue ng Philippine Army Headquarters.

Sinabi ni Detoyato na nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahilan sa serye ng pagsabog  kung saan idineklarang fireout pasado alas-12 ng tanghali.

Nilinaw naman ni Detoyato na malayo sa malaking armory o imbakan ng mga bala at baril  ng Phil. Army ang nasunog na gusali.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa nilikhang pinsala ng sunog at sanhi nito, ayon pa sa opisyal.

Show comments