Pulis Malabon, kritikal sa boga

MANILA, Philippines -  Nasa malubhang kalagayan umano ang isang 40-anyos­ na miyembro ng Malabon Police makaraang barilin sa mukha ng hindi pa kilalang lalaki na bumili ng pandesal sa kaniyang tindahan, sa Balut, Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ni PO3 Rowel Candelaria ng Manila Police District-Station 1 ang biktima na si PO3 Joel Rosales, nakatalaga sa Warrant Section ng Malabon Police Statio­n, may-asawa at residente ng Balut, Tondo, Maynila. Kasalukuyan itong ginagamot sa Chinese General Hospital.

Dakong alas 5:45 ng umaga nang may isang lalaki na bumili umano ng pandesal sa tindahan ng biktima at habang iniaabot umano ang sukli sa suspek ay pinaputukan ito ng baril sa kaliwang pisngi ng  kalibre .45 baril.

Pagkatapos ng pamamaril ay tumakbo sa isang eskinita ang suspek.

Sinabi umano ng misis ng biktima na si May, nagbu­bukas  pa lamang sila ng tindahan nang dumating ang suspek at bumili ng pandesal na hindi akalaing nag-aabang lamang sa kaniya.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakilanlan ng suspek at malaman ang motibo ng pagbaril sa biktima.

Show comments