2 lider ng kidnap-for-ransom, timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang hinihinalang lider ng kidnap for ransom group mula sa Zamboanga Peninsula ng pinagsanib na puwersa ng PNP-CIDG at militar sa Parañaque City, kahapon.

Kinilala ang mga na­arestong sina Mamay Aburi at Moin Dunggan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu­ ng Zamboanga Sibugay Regional Trial Court (RTC), Branch 24. 
Ayon sa ginawang koordinas­yon ng CIDG at grupo ng military sa tanggapan ng Parañaque City Police, naganap ang pagdakip alas-12:00 ng madaling-araw matapos mamataan ang mga akusado sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue ng naturang lungsod matapos ang tatlong linggong surveillance na isinagawa ng pulisya at military sa naturang lugar.

Base sa rekord ng pulisya, nabatid na ang dalawang nadakip ay kabilang  sa most wanted list ng Region 9 dahil sa ginawang pagkidnap ng mga ito sa anim na katao  kabilang ang isang Australian national.


Nalaman pa rin na ang grupo nina Aburi at Dunggan ang nasa likod ng pagpatay sa 12 mangi­ngisda.

Nabatid na nasa custody ngayon ng CIDG ang mga akusado at patung-patong na kaso ang kinakaharap ng mga ito.

 

Show comments