Amaing bantay-salakay, huli

MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang amain makaraang ireklamo ng paulit-ulit na panggagahasa ng 16-anyos na dalagita sa loob ng kanilang bahay sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Kaagad  na ipinadakip ng ina ng biktimang itinago sa pangalang Mary Jane, ang suspek na si Julian Montalto makaraan ang panibagong panggagahasa sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Western Bicutan, sa naturang lungsod.

Sa salaysay ng biktima kay PO2 Sarah Valderama ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Taguig police, una siyang ginahasa ng amahin noong Abril 2011 noong 14-anyos pa lamang siya.  Naging paulit-ulit umano ang panggagapang sa kanya ng amain na nagbabanta na papatayin siya at ang ina kapag nagsumbong.

Kamakalawa ng gabi, muling ginapang ng suspek ang dalagita habang nasa trabahong panggabi ang ina.  Nang dumating ang ina, hindi na nakapagpigil ang anak at nagawa nang makapagsumbong.

Sinamahan naman ng ina ang anak na biktima na magsuplong sa barangay na nagsama sa kanila sa pulisya.  Hindi naman nakapalag ang suspek nang dakpin ng mga pulis.

 

Show comments