Bagong laya, itinumba

MANILA, Philippines - Utas ang isang hinihinalang ‘tulak’ ng droga na kalalabas pa lamang mula sa Pasay City Jail ma­tapos itong pagba­barilin ng hindi pa kilalang suspek kama­kalawa ng gabi sa na­turang lungsod.

Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Jeffrey­ Parino, 21, ng M. Dela Cruz St., Pasay City, sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa mukha at likod buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Lumalabas sa pagsi­siyasat ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-9:30 ng gabi sa harapan ng Yankee Store, panulukan ng M. dela Cruz at D. Jorge Sts., Brgy. 129 ng naturang lungsod habang ang biktima at ang kanyang kaibigan  ay naglalaro ng dice nang  sumulpot ang suspek na sakay ng isang bisikleta.

Binati muna nito ang biktima sabay bunot ng baril at walang sabi-sabing­ binaril ang una at pagkatapos ay mabilis na itong tumakas.

Ayon sa pulisya, base sa kuha ng CCTV ca­mera, ang suspek ay tinatayang nasa 25 hanggang 30-anyos, may katabaan, nakasuot ng sombrero at kulay puting t-shirt  at shorts.

Napag-alamang kalalaya lamang ng biktima mula sa pagkakakulong nito sa Pasay City Jail noong Disyembre, 2013 sa kasong may ka­ugnayan sa droga.

Posible rin umanong   may koneksyon dito ang ginawang pagpaslang sa biktima.

Show comments