Bar owner, tinodas habang kumakain

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay  ng riding in tandem ang isang bar owner habang ito ay kumakain sa isang karinderia sa Marikina City, kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot  ang biktimang  si Romel Palomares, sinasabing may-ari ng Buduy Comedy Bar and Restaurant sa lungsod.

Sa ulat ng Marikina Police, naganap ang krimen dakong alas-4:30 ng madaling araw sa isang karinderia sa V. Santos St., corner JP Rizal Avenue, Barangay Sto. Niño, Marikina City.

Ayon sa report, ginutom ang negosyante kaya naisipan nitong kumain sa karinderia at nang papatapos na itong kumain ay biglang dumating ang dalawang suspect na sakay ng isang motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima  ng apat na beses sa iba’t ibang bahagi ng  katawan.

Nang matiyak ng mga salarin na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas sakay din ng kanilang motorsiklo na hindi nakuha ang plate number.

Nagsasagawa  naman ng follow-up operation ang pulisya upang matukoy ang motibo at salarin.

Show comments