Bangkay lumutang sa Manila Bay

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang lumulutang sa Manila Bay, sa bahagi ng Port Area, Maynila, kahapon ng hapon.

Bagamat manas na sa pagkababad ang bangkay, inilarawan ito sa edad na 35 hanggang 40, nakasuot ng itim na sando at maong na shortpants, katamtaman ang laki ng katawan.

Sa ulat ni PO3 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-1:00 ng hapon nang mamataan ang lulutang-lutang na bangkay sa karagatan ng Manila Bay sa Berth 3 ng ICSTI sa Port Area.

Nakita ng ilang seaman ang lumulutang na lalaki habang paalis ng lugar ang kanilang sinasakyang barko na itinawag na lamang sa radio ng RVV security Office para makipag-ugnayan sa Homicide.

Sa pagtaya ng imbestigador, may dalawa hanggang tatlong araw nang babad ang bangkay dahil sa pamamaga ng mukha at mata nito.

Posibleng mangingisda na nalunod at napadpad lamang ang bangkay sa bahagi ng Port Area.

Show comments