Tindahan ni Ate Joy, inilunsad sa QC

MANILA, Philippines - Pormal nang binuksan ng tanggapan ni Quezon City  Vice Mayor Joy Belmonte  ang  “Tindahan ni Ate Joy” Program  sa  inner-ground lobby ng  QC Hall kahapon.

May P10,000 halaga ng paninda ang naipagkaloob bilang start-up capital sa may 200 napiling mga house-bound solo-parents na sumailalim sa screening at  training.

Ang naturang programa ay isa sa mga paraan ni  Vice Mayor Belmonte para sa poverty alleviation programs na layuning mapahusay at makabuo ng home-based industry opportunities laluna sa mga  solo parents at head of the family upang magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan na pang suporta sa pamilya at bilang pagkilala sa kanila bilang kaagapay sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa lungsod.

Ayon kay Belmonte, ang naturang hakbang ay bilang tugon na rin ng kanyang tanggapan sa mga hinaing ng mga  solo parents  na magkaroon ng hanapbuhay at pagkakakitaan.

Batay sa QC Anti-Poverty Task Force baseline household survey noong 2011,karamihan sa mga walang trabaho sa lungsod ay mga kababaihan at 78.59 percent sa mga ito ay mga nasa bahay lamang.

Sa mahabang panahon, ang mga house-bound mothers ay nakakaligtaan na bahagi sila sa pagpapasigla ng komunidad at madalas na hindi prioridad na mabigyan ng maayos na hanapbuhay.

Malaki ang paniwala ni Vice Mayor Joy Belmonte na ang mga ito ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad sa pamayanan  at kailangang bigyan ng oportunidad na matulungan na sumigla ang kabuhayan kasama ng mga anak para makapamuhay ng maayos.

Show comments