Walang dinatnang ulam: Ina dinos-por-dos ng anak

MANILA, Philippines -Kalaboso ang isang suwail na anak matapos na hatawin ng dos-por-dos ang kanyang ina dahil lamang sa hindi na­tirhan ng ulam, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nahaharap sa kasong frustrated parricide si Cecilio Bautista, 45, ng Baltazar St., 6th Avenue ng lungsod.

Inoobserbahan naman sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng mga palo ng kahoy sa ulo ang biktimang si Fely Bautista, 70, ng nasabing lugar.

Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa naturang lugar nang umuwing gutom ang suspect, subalit wala itong dinatnan na pagkain. Nagalit ang suspect at kinompronta ang ina hanggang sa magtalo at kumuha ng patalim si Cecilio, subalit bago maisaksak ay naawat ng mga kapatid.

Nang madis-armahan ay lumalabas ng bahay ang suspect, subalit nang magbalik ay may dalang kahoy at walang sabi-sabing pinalo sa ulo ang ina. Dinala ang biktima sa na­turang pagamutan habang dinakip ang suspect  ng mga rumespondeng mga barangay tanod at dinala sa presinto.

Show comments