Ginang nilooban, saka ginilitan

MANILA, Philippines - Isang 59-anyos na ginang ang nasawi habang nasa malubhang kalagayan naman ang nanay nito makaraang laslasin ang leeg at paluin ng baril  ng hindi pa kilalang mga salarin na nanloob sa  kanilang bahay sa lungsod Quezon kahapon.

Ayon kay Police Supe­rintendent Osmundo de Guzman, hepe ng QCPD Station 1, ang nasawi ay si Maria Salud Gatmaitan, ng 12 Ipo St., Brgy. Salvacion  sa lungsod.

Ginagamot naman sa Chinese General Hospital ang nanay ng biktima na si Noemi Pineda, 83.

Nangyari ang insidente ganap na alas-10:30 ng umaga­. Ayon sa katulong na si Myla Padera, bago ito tumunog umano ang doorbel dahilan para buksan nito ang gate at pumasok ang apat na suspect.

Dito ay kinompronta ng mga suspect si Gatmaitan saka itinali ang kamay ng katulong.

Narinig na lang umano ang salita ni Gatmaitan: “Jay tama na patawarin mo na ako.”

Kasunod nito ay pinalo ng baril sa ulo si Gatmaitan ng ilang beses, bago nag­halughog sa bahay ang mga suspect.

Sinasabing kilala ni Gatmaitan ang mga suspek pero hindi kilala ng katulong.

“Palabas na daw iyong mga suspek nang bahay nang makita nila iyong isa pang biktima (Pineda) na nasa ground floor ng bahay kaya pinalo din daw ng baril sa ulo bago tumakas,” sabi pa ni De Guzman.

Dagdag pa dito, nakita pa ng mga kapitbahay ang mga biktima at mga suspect na tila nagyayakapan.

  Patuloy ang imbestigas­yon ng pulisya sa nasabing insidente habang natagpuan naman ang Mitsubishi Adventure ng mga suspect sa Sto. Domingo matapos inabandona ng mga suspect.

 

Show comments