Motorsiklo salpok sa bahay: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang nasugatan  matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang bahay kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Dead-on-arrival sa Pateros District Hospital ang biktimang si Jhon Rey Sagun, na nabagok ang ulo  at nagkabali-bali ang buto. Ginagamot naman sa nabanggit na ospital ang dalawang kasama nito na sina Afred Lumbay, 16; at Bryan Morales,17, pawang mga naninirahan sa  Santo Niño St.,  Brgy. Central Village, Taguig City sanhi rin ng mga tinamong pinsala sa ulo at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa report, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Sampaloc St.,  Brgy. North Signal Village ng nasabing lungsod.

Ayon  sa mga saksi, magkaka-angkas ang mga biktima sa isang Honda motorcycle at habang  binabagtas nila ang naturang lugar, nagpagewang-gewang ito kaya  hinihinalang mga nakainom ang mga sakay nito.

Posibleng nag-trip pa umano ang mga ito dahil nakadaan na ang mga ito sa may humps ay bumalik pa sabay na pinaharurot ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Pagadaan  muli  sa humps ay nawalan na ng kontrol  hanggang sa tuluyang sumalpok ang mga ito  sa isang bahay.

Tumilapon ng ilang metro ang mga biktima na naging sanhi ng pagkasawi ni Sagun at lubhang pagkasugat ng dalawang kasama nito.

Show comments