Dalaga inatado ng saksak, patay

MANILA, Philippines - Isang 24-anyos na dalaga ang pinagsa­saksak hanggang sa mapatay ng  isang delivery boy sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Si Gemalyn dela Cruz, 24, store helper at residente sa Block 2, E. Rodriguez Sr., Avenue, Brgy. Damayang Lagi sa lungsod, ay nagawa pang maisugod sa ospital pero sinawing palad na hindi rin mabuhay.

Ang suspect na si Jezril Ronquillo, 28, binata, delivery boy, at residente sa Quezon Institute compound Center, E. Rodriguez Sr. Avenue, Brgy. Doña Imelda, ay tinutugis na ng awtoridad matapos na  tumakas makaraan ang krimen.

Nangyari ang insidente sa  harap ng Quezon Institute sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr. Avenue, ng nasabing barangay ganap na alas-7:30 ng gabi.

Sinasabing naglalakad ang biktima sa nasabing lugar habang sikretong sinusundan naman ng suspect.

Nang makorner ang biktima ay nilapitan siya ng suspect saka nagbunot ng patalim at sinaksak ang una sa dibdib. Nang duguang bumulagta ang biktima sa kalye ay mabilis na tumakas ang suspect.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. Inaalam pa rin  kung ano ang motibo sa pagpaslang sa biktima.

Show comments