School dropout

Dear Dr. Love,

Maganda at matalino si Marcel, nagtapos siya ng kursong Law at isa siyang bar topnotcher.

Pero kung talino ang pag-uusapan may dunong din ako at hindi mahahalata na ako’y college dropout.

Nagtatrabaho ako bilang chief ng communications at PR department ng isang mala-king kompanya. Kahit college dropout ako sa kursong masscom, pinalad akong matanggap dahil tinalo ko sa abilidad ang may 50 aplikante kahit sila ay may diploma.

Matapos ang two years ay promoted agad ako bilang VP for communications.

Si Marcel ay nagtatrabaho din sa opisi-nang pinaglilingkuran ko bilang chief ng legal department. Kung tutuusin, mas mataas ang puwesto ko dahil ako ay vice president at siya ay department head lang. 

Naging malapit kami at we enjoy each other’s  company. Pero nang ligawan ko siya ay bokya ako.

Sabi niya, propesyunal siya at ang ibig niyang mapangasawa ay isang may tinapos na kurso.

Nasaktan ako pero ayaw kong sumuko sa panliligaw. Hindi ako magiging VP for communications kung hindi espesyal ang aking abilidad.

Paano ko makukumbinsi si Marcel na karapatdapat ako sa kanya?

Lauro

Dear Lauro,

Maraming college dropout na itinuturing na kahanay sa mga intellectual.

Nariyan sina dating Senador Blas Ople at Kit Tatad. Sa pamamahayag, naririyan naman si Adrian Cristobal.

Abogada ang nililigawan mo kaya maaaring mataas lang ang pride niya at hindi matanggap na ang isang undergraduate na tulad mo ay nasa mas mataas na posisyon kaysa sa kanya.

Puwede ring ginagawa na lang niyang dahilan ang pagiging dropout mo dahil hindi ka talaga niya kursunada.

Maaari ring idinadaan ka niya sa pagsubok. Kaya ituloy mo lang ang panliligaw pero kung talagang wala kang pag-asa, e ‘di humanap ka na ng ibang liligawan.

Dr. Love 

 

Show comments