Girlfriend pero ayaw kahit akbay

Dear Dr. Love,

Hindi ko alam kung mahal ako ng jowa ko o ikinahihiya ako. Siya ang una kong girlfriend at talagang head over heels ako sa kanya.

Tawagin mo na lang akong Brix, 20 anyos. Magtataka ka siguro kung bakit late akong nagka-jowa. Kasi, masyado akong torpe sa babae.

Ito ngang jowa ko ngayon ay nahirapan akong manligaw. Tinulungan lang ako ng friend ko na nagsilbing tulay para maiparating ko sa kanya ang aking damdamin.

Inabot din ng limang buwan bago niya ako sinagot ng oo.

Ang problema, kapag namamasyal kami, ni ayaw niyang maakbayan o mahawakan ang kamay.

Sa loob ng tatlong buwan namin bilang mag-jowa, hindi ko man lang siya mahalikan kahit sa pisngi.

Sabi niya, ayaw niyang mapagkamalang easy girl. Saka na lang daw siya magiging demonstrative ‘pag kasal na kami.

Mahal kaya niya ako o pinaglalaruan lang ang damdamin?

Brix

Dear Brix,

Hindi ka lang marunong dumiskarte kaya ganyan ang girlfriend mo. Sabi mo torpe ka, kaya marahil, pati siya ay naaasiwa sa approach mo. Kumbaga sa nag-aaral mag-bike, hindi ka pa masyadong bihasa kaya gegewang-gewang ang bisikleta. Masasanay ka rin.

Sa isang banda, pabor ako sa inuugali ng jowa mo. Iyan ang dalagang Pilipina.

Sana hindi lang pakitang-tao ang ginagawa niya.

Dr. Love

 

Show comments