Inaaway ng misis ng ex-bf

Dear Dr. Love,

Dati akong may boyfriend. Limang buwan kaming may relasyon hanggang maagaw siya ng ibang babae sa akin. Natukso raw ang boyfriend ko na patulan siya at nabuntis ang babae.

Natural lang na sumama ang loob ko, pero ano magagawa ko? Nakipag-break na lang ako sa kanya.

Three years na nang mangyari ‘yun at nakapag-move on na ako. Napilitang magpakasal ang boyfriend ko sa babaeng ‘yun para panagutan ang dinadala nito sa sinapupunan.

Tuluyan ko nang nalimot ang ex ko at may iba na akong boyfriend. Pero nagulat na lang ako nang isang araw ay sinugod ako sa bahay ng asawa ng ex ko at pinagmumura. Kesyo may lihim daw kaming relasyon ng asawa niya.

Nalaman ko na nanlalamig ang dati kong boyfriend sa pakikitungo sa asawa niya at inakala ng babae na ako ang dahilan. Sa katotohanan, hindi totoo ang mga paratang niya dahil ni anino ng asawa niya ay hindi ko na nakita simula nang mag-asawa siya.

Nalaman ito ng boyfriend ko at mabuti na lang at hindi siya naniniwala. Masyado kaming nagmamahalan ng kasintahan ko ngayon.

Kaso, naeskandalo ako dahil sa harap ng aming kapitbahay ay pinagsalitaan ako ng masama ng asawa ng aking ex. Pwede ba akong magdemanda?

Ethel

Dear Ethel,

Pwede kang magdemanda dahil sa eskandalong ginawa niya. Pero kung ako ikaw, hindi na lang para huwag nang lumaki ang sunog. Tutal, kinampihan ka naman ng iyong kasintahan.

Masuwerte ka sa pagkakaroon ng isang kasintahang maunawain. Wala ka namang masamang ginawa at malinis ang iyong konsensya, kaya huwag mo na lang pansinin ang asawa ng iyong da-ting kasintahan.

Kung uulit siya, roon mo na siya bantaan na idedemanda kung ‘di pa siya matitigil.

Dr. Love

Show comments