Nabuntis ang kasambahay

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Brad. Medyo po mabigat ang gusto kong ihingi ng payo sa inyo. Kung inaakala ng marami na sa pelikula lang nangyayari ang mga nabibihag ng ibang babae ang atensyon ng mister, nagkakamali po sila.

Sa akin po ngayon kailangan ko ng tulong. Wala pa akong sinabihan nito kundi kayo lang, Dr. Love.

May kasambahay kaming kinuha ng misis ko bago siya umalis papuntang Qatar, para raw may  mag-aasikaso sa amin habang wala siya.

Pinag-aral niya ang aming kasambahay para matulungan din namin ang kanyang pamilya sa darating na panahon.

Hindi ko inisip at binalak na may mamumuo palang kakaibang damdamin sa akin. Habang siya’y wala, dahil sa aking pangungulila sa aking misis nahulog ang loob ko sa dalagitang nagli-lingkod sa amin.

Ayoko siyang patulan dahil ayoko ring maging magulo ang aking pamilya. Ngunit dahil sa bugso at kapusukan, nakuha kong magtaksil sa aking misis.

Umabot kami sa sukdulan ng hindi namin namamalayan. Walang kaalam-alam ang aking misis. Ang alam niya, maayos ang lahat.

Nang nalaman kong buntis ang kasambahay namin, agad ko siyang pinabalik sa kanilang probinsiya habang maliit pa ang kanyang tiyan. Ituloy na lamang niya ang kanyang pag-aaral doon kung gusto pa niya.

Pumayag naman ang kasambahay namin na ilihim na lang namin ang lahat at binigyan ko siya ng malaking halaga upang hindi na siya maghabol sa akin.

Alam kong mali ang aking nagawa, kaya ito ako ngayon, nababalisa kung aaminin ko ba sa misis ko ang aking kataksilan o hindi. At paano ko ipaliliwanag sa kanya na wala na ang aming kasambahay dahil nga sa kapalpakan ko. Naaawa rin ako sa aming kasambahay na dapat sana ay napatapos namin ng pag-aaral pero lalo pang nadagdagan ang kanyang naging problema.

Brad

Dear Brad,

Kung ibabase natin ‘yan sa legal na pagsusuri, maaari kang makasuhan ng patong-patong. Una nasa wastong edad ba ang kasambahay ninyo? Dahil sabi mo nag-aaral pa. Pangalawa, labag sa batas para sa kababaihan ang ginawa mo at labag din sa kasambahay law?

May kaso ka pa sa misis mo kung magreklamo siya. Tapos dahil buntos kamo ang kasamabahay, ibang kaso rin ‘yun.

Ang maipapayo ko, magpakumbaba ka at harapin ang mga dapat mong harapin. Mainam na aminin mo ang lahat sa misis mo bago pa mahuli ang lahat, baka pwede ka pa niyang mapatawad at magawan ninyo ng paraan ang mga gusot na ginawa mo. Humingi ka rin ng tawad sa Maykapal sa kawalan mo ng katapatan sa iyong sinumpaang pangako sa iyong asawa.

Dr. Love

Show comments