Huwag maging unfair

Dear Dr. Love,

Itago mo na lang ako sa alias na Miss Deceiver. Nakakahiya mang aminin, iyan ako, mapanlinlang, mapagkunwari sa  aking love life. Isang sagadsagarang sinungaling.

Two years na kami ng boyfriend kong si Lex. Sa paningin niya, ako ay malinis at marangal na babae.  Totoo naman na nung una’y matino ako, nang hindi pa namamatay ang aking ama na tumutustos sa aking pag-aaral. First year college ako nang mabuo ang aming relasyon ni Lex. Kumukuha ako ng accountancy.

Nang mamatay ang father ko, hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pang-matrikula para matapos ko ang aking kurso. Napilitan akong makipagrelasyon sa isang matandang negosyante na matagal nang may kursunada sa akin. Dahil sa kanya ay nakakapag-aral ako ngayon.

Dalawa ang aking pagkatao na lingid sa kaalaman ni Lex.  Pero sinusumbatan na ako ng aking budhi. Gusto ko nang kalasan si Lex kahit mahal ko siya dahil hindi ko maatim ang panlilinlang ko sa kanya.

Pagpayuhan mo ako, Dr. Love.

Miss Deceiver

Dear Miss Deceiver,

Sa pananaw ng isang may takot sa Diyos, isang malaking pagkakasala na ikalakal mo ang iyong sarili para maabot ang iyong ambisyon. Sabihin ko mang magsisisi ka at ititigil mo na ang iyong ilicit relations sa nagtutustos sa iyong pag-aaral ngayon, wala akong magagawa kung hindi ka susunod sa aking payo.

Puwede ka namang mag-working student kung gugustuhin mo. Mahirap nga lang na pagsabayin ang edukasyon at trabaho pero ‘yung mga may determinasyon ay nakararaos sa ganyang paraan.

Don’t be unfair to your boyfriend. Ipagtapat mo ang lahat at magpasya kang magbagong buhay. Kung matatanggap ka pa rin niya at patatawarin, pasalamatan mo ang Diyos. Kung hindi naman, tanggapin mo ito and move on.

Dr. Love


 


 


 

 

 

 

 

 

 

Show comments