Abogadong pro-bono

Dear Dr. Love,

Minahal ko ang aking asawa na si Ruben dahil hinangaan ko ang kanyang adbokasya nang siya ay nanliligaw pa lang sa akin. Nagbibigay siya na libreng legal assistance sa mga mahihirap na nahaharap sa asunto, basta’t  alam niyang wala silang kasalanan sa batas. Ang tawag dito ay pro-bono.

Minsan, binibiro ko siya na puro siya abono imbes na kumita sa propesyion niya. Sagot naman niya, ito ang nagbibigay sa kanya ng sense of fulfillment.

Ako nga pala si Aimee, 25-anyos at may isang anak.

Pero nang kami ay maikasal na, naramdaman ko na mahirap din pala ito.

Sakripisyo ang buhay namin dahil hindi kami makabili ng bagong kotse at makapagtayo ng sariling tahanan.

Mabuti at iisa lang ang aming anak na seven years old pa lang.

Nagnenegosyo ako ng buy and sell ng mga alahas at ang business kong ito’y malubhang apektado ng lockdown.

Kumikita rin nang kaunti ang mister ko sa pagnonotario. Naiinggit ako sa mga kasamahan niya na mayayaman at magagara ang kotse habang kami ay nangungupahan lang, labindalawang taon na ang aming lumang kotse.

Sabi ko sa kanya, kung siya’y namasukan sa isang law firm, tiyak malaki ang kikitahin niya. Ngunit ang sabi niya, maligaya siya sa ginagawa niyang pagtulong. Kunsabagay ay nakakaraos naman kami pero gusto ko sanang umasenso kami, magkaroon ng sariling bahay at magandang kotse.

Ano ang gagawin ko?

Aimee

Dear Aimee,

Sabi mo nakakaraos kayo. Malaking bagay iyan na dapat mong ipagpasalamat sa Diyos.

Ang importante ay may pambayad kayo ng upa sa bahay at sa mga basic amenities na kailangan ng isang pamilya, kasama na ang pagkain sa araw-araw.

Ang masama ay kung ang adbokasya ng asawa mo ay nagiging dahilan para kayo ay magutom at maghirap.

Ang taong mabuti ay hindi kailanman pababayaan ng Panginoon, at ang pagtulong niya sa mga mararalita ay hindi pagwawaldas ng pagod kundi may mabuting sukli sa dakong huli. Kung maligaya ang asawa mo sa serbisyong ginagawa niya, huwag mo itong hadlangann. Ginagamit siya ng Diyos sa mabu-ting layunin.

Dr. Love

Show comments