Bumigay sa cr

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo ako sa alyas na Ms. Reality. Buong akala ko nang lumipat ako ng work sa call center, gaganda ang buhay ko. Isa akong graduate ng BSed sa isang kilalang unibersidad rito sa Maynila. Hindi ako nakapasa sa LET kaya nag-try ako ng ibang field naman.

Medyo ayaw ng mama ko na tumigil ako sa teaching career ko. Kaso parang feel ko na hindi rin ako magiging successful sa teaching.

Mahirap din pala ang pang-gabing schedule, sobrang puyat at wala ka nang magagawa sa maghapon.

Minsan, kapag inaantok na kami, nililibang na lang namin ang aming sarili kahit anong pantanggal ng antok—yosi at café. Sa biruan, naghaharutan kami kahit sa cr.

Hayun, nadale ako ng kasamahan ko. Biruan at tuksuhan hanggang bumigay ako sa lalaking ‘yun.

Minahal ko naman siya, pero ang alam ko seryoso siya sa akin. Hanggang nabuntis ako. Sinabi ko sa kanya, pero ayaw niyang akuin. Baka raw hindi sa kanya ang ipinagbubuntis ko.

Gusto ko sanang itago kay mama ang nangyari sa akin, pero kita nilang lumalaki ang tiyan ko.

Nahinto tuloy ako sa trabaho. Hanggang ngayon, hindi na ako nakabalik sa trabaho. Naabutan na ako ng quarantine.

Si mama desididong magsampa ng kaso sa ama ng anak ko. Kaso, ayoko na ring lumala pa ang sitwasyon. Ginusto ko naman at hindi ko naman mapipilit ang ayaw. Gusto ko na lang muna ang tahimik na buhay.  Naiinis ako pero ayaw kong padala sa aking nararamdaman.

Ms. Reality

Dear Ms. Reality,

Salamat sa iyong ibinahagi. Minsan may mga nagagawa tayong mali sa buhay, pero hindi dapat ito ang manaig at maghari sa atin. Hindi ba isa kang teacher? Alam ko na pamilyar sa’yo ang kasabihang “expe­rience is the best teacher”. Dapat may natutunan ka sa nangyari sa iyo.

Anyway, mainam na magsimula kang muli at pasalamat ka sa mama mo, dahil hindi ka niya tinalikuran.

Mainam na mag-focus ka sa anak mo at makakahanap ka naman ng ibang trabaho  basta magtiyaga-tiyaga ka lang. God bless!

DR. LOVE

Show comments